26 September 2008

Sangandaan

Nakakatuwang-ewan ang mga pangyayari nitong linggo. Kung kailan puspos ang paghahabol kong maisulat ang bagong tula-dulang ipinanghahamon ko sa mga mas batang batch ng UP Rep, nabasa ko ang pinakabagong blog entry ng makatang si Roberto Añonuevo tungkol sa isang manuskrito ng pagpupulong ng Galian sa Arte at Tula (GAT) noong 1980 na inilabas ng manunulat na si Perfecto Martin sa selebrasyon ng Martial Law ngayong taon. Idagdag pa rito ang mga pag-uusap ng mga kapwa-batang manunulat na naganap sa dinaluhan kong maliit na forum sa Green Papaya nitong Miyerkules, kung saan nagbasa ang kaibigan kong makata sa Ingles na si Larry Ypil kasama ang nagsisimulang kwentista sa Ingles na si Cholo Goitia ng UST.


Tatlong bagay ang gusto kong ihain sa kung-sino mang gustong sumakay. Una, bakit nga ba tayo nagsusulat? Pangalawa, para kanino nga ba tayo nagsusulat? Pangatlo, sa anong wika dapat magsulat ang Pilipinong manunulat? Mga lumang isyu na dapat ay malinaw ang sagot sa bawat batang manunulat, subalit sa tingin ko ay nakakaligtaan na ng marami dahil sa preokupasyon sa iba pang bagay na inihahain ng mundong multi-media at hyper-real.


Mahaba ang manuskrito ng pagpupulong ng GAT. Gusto ko sanang i-repost nang buo rito pero mas maigi nang basahin ninyo sa blog ni Bobby para mabasa rin ang iba pang interesanteng entry. Gustuhin ko mang mag-ambisyong magbigay ng malalimang reaksyon ay sadyang nanliliit ako sa ningning ng lahat ng nandoon. Starstruck, kumbaga. Mas mainam nga sigurong basahin lang natin ang mga ganitong manuskrito bilang manonood; napakaganda ng pagkaka-transcribe, para ka talagang nandoon. Hayaan mo lang silang magsalita, silang mga nauna at nakatatanda. Pihadong marami kang matututunan.


Gusto ko rin kayong ituro sa blog ng idolo kong makatang si Pete Lacaba para basahin ang dalawang entry niya: una, tungkol sa idolo ko ring kapatid niyang si Eman; pangalawa, tungkol sa kung bakit siya tumigil magsulat ng tula sa Ingles. Naalala ko tuloy ang mga kuwento niya tungkol kay Eman sa maikling panayam na ibinigay niya sa creative writing class namin kay Rofel Brion noong araw, isang di-malilimutang tag-araw na kasama kong nagsisimulang mangarap sina Alvin Yapan, Jing Panganiban, Mely Guerrero at Ernan Muñoz (hindi ba’t kaklase rin natin doon si Chuck Syjuco, na nitong taon ay nanalo ng nobela sa Palanca?). Naalala ko rin kung paano ko unang nagustuhan si Ka Pete nang aralin namin sa UP Rep ang kanyang tulang “Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz” bilang klasikong piyesa para sa tula-dula.


Sa tingin ko ay mainam na kumbinasyon ang tatlong artikulong ito sa paglalarawan ng mga bagay na sa tingin ko ay dapat muling pag-usapan ng mga tulad kong batang manunulat. Marami namang nangyayaring ganitong pag-uusap (sa mga palihan, sa mga paaralan, sa mga writers' collective), pero ewan—parang gusto ko pa. Bukod pa sa hindi ko talaga type itong masyadong hayag na pagkakahati ng mga manunulat sa Ingles at Filipino. Naaalala ko na naman ang giyera-pataning nangyari noong iginawad ang National Artist kay Bien Lumbera imbes na kay Cirilo Bautista. Hay.


Eh ano naman ngayon? Wala lang—napaalalahan lang akong kailangan ko nang ibigay ang manuskrito ko ng unang libro sa palimbagan, at kailangan ko nang tapusin ang tula-dulang ipalalabas na bukas sa homecoming ng UP Rep. At ang mas mahalaga—napaalalahan din akong bago pa man pumalawig sa pagsusulat, huwag kalilimutan ang pinagdaanan na ng mga nauna. Sa madaling sabi, huwag kalilimutang magbasa. Kaya’t tayo nang magbasa.


24 September 2008

Alumni Homecoming ng UP Rep

May alumni homecoming ang UP Rep sa Sabado, 27 Setyembre mula 3pm hanggang sawa, sa Balay Kalinaw, UP Diliman. Siempre pa, dadalo ako kasama ng iba pang kaibigang alumni. May homecoming na ulit after 48 years! Pasakalye pa lang ito para sa grand homecoming sa 40th anniversary ng Rep sa 2011, so may miting-mitingan muna ng 3pm bago magkalat ang mga tao pagsapit ng dilim. Sana makayosi kami sa Balay (read: sana may kasamang happyness) kahit pa bawal na (raw) ang magyosi sa campus.


Anyway, plug lang muna ito para sa mga makakatisod ng announcement na ito sa blog kong kung saan-saan na yata napupunta. Pihadong may maisusulat akong seryoso pagkatapos ng homecoming, bukod pa sa tinatapos kong bagong-bagong tula-dula na siyang magiging highlight ng event (according to me). Excited na akong makita ulit sina Cielo Javier-Sonza (92-B) at Gerard Almazan (pareho kong 93-A) bilang movers, at ang pagbabalik namin ni Doyit Saballa-Baquirin (92-B) bilang readers. Kukulitin ko pa rin ang nag-iinarteng si Tuting Hernandez (90-B) na maging main mover, unless may makahanap kay Riza Romero (91-A) para sa akin. Siempre pa, kailangan kong isama ang pangalan ng bff kong si Mynes Salvador-Directo (93-A), hindi dahil sa magpe-perform siya kundi dahil willing siyang i-host ang rehearsal namin at magagalit siya kung di ko siya banggitin, hehe. Heto ang aliw na event poster na gawa ni B Canapi (95-A), kung sino man yang lecheng naka-pose sa lower-right side:





Bakit Bagamundo?

A friend just texted me asking why I chose this word for my blog. Eh di tuloy, nakahanap ako ng dahilan para i-post ang tula kung saan galing ang pamagat ng blog pati na rin ang linyang kasama nito, hehehe. Segue lang, kuha ko ang photo header sa napakagandang beach ng Apo Reef noong Marso 2007. Yikes, this is such a shameless self-serving exercise, kaya pagtiyagaan at tiyagain nyo na lang muna ang una kong post ng sarili kong tula:


Bagamundo


Katwiran nati’y mainit ang panahon o bilog ang buwan.

Ang ilan, sugo ng trabaho o pakikipagsapalaran.


Mga makabagong mananalakay mula sa kaharian ng Sulu,

lumulusob sa mga balangay, sumusuyod sa kababaihan ng bawat barangay.

Sino tayong mga tulisan na umaagaw sa hindi natin kaharian?

Sa dalampasigan ng bawat bayan,

nag-aabang silang tangan ang mga natuyong bulaklak ng ating bibig:

ang dalagang nakatikim ng halik; iyong misis na sabik sa ibang bisig.


Mga sugo ng Inang Espanya na nagtutulos ng krus

sa pinakamatataas na bundok ng bawat islang matagpuan—

sino tayong switik na namumuhunan sa lisyà at tumutubo ng grasya?

Nagtayo tayo ng mga bantayog sa mabuhanging baybayin

upang sambahin ng ating mga mangingibig—

ngunit ano’t sa araw ng pag-uusig, nagpapalamon tayo sa alon

at naiiwan silang nakapako sa krus ng ipinangako nating langit?


Tayong mga bagamundo:

mga pahinante at tindero; mga pugante at piloto;

mga tripulante ng barko; mga diumano’y ahente ng pagbabago.

Tayong mahihilig magkamot ng buháy na nunal sa talampakan;

tayong naghahati ng katawan pagdating sa lupain ng mga aswang;

tayong nagbabasag ng bayag sa ngalan ng yabang at pagsasarili—

nabubuo itong arkipelago sa ating libog at pagpupunyagi.


Kung tayo kaya ay magmalaki at tawagin itong

“epiko ng modernong daigdig”

o kaya’y “testamento ng dakilang pag-ibig”

mayroon bang makapagmamalinis sa kabulastugan ng ating pagmamalabis?


Setyembre 2005


23 September 2008

Isang Pagtanaw sa Isabela


* Sinulat ko ito para sa binubuong Philippine regional almanac ng Adarna House na ipamimigay sa iba't ibang high school. Gagamitin ang sanaysay bilang kaakibat ng section tungkol sa aking rehiyon, ang Lambak ng Cagayan. Inilalarawan ng sanaysay ang growing-up experience sa isang bayan/lalawigan sa rehiyon; siempre pa, proud "isabelino" ako (to borrow Grace Padaca's term). 400 words lang ang limit, kaya medyo bitin.


Isang Pagtanaw sa Isabela


Napakalawak na lupain, iyan ang unang maiisip ng kahit sinong makarating ng Isabela. Ito ang pangalawa sa pinakamalawak na probinsya sa buong bansa, at ito rin ang malawak na mundo ng aking pagkabata. Wala akong kamuwang-muwang noon kung gaano kalaki ang mundong aking kinalakhan. Ang alam ko lang, hanggang abot-tanaw ang maaari naming paglaruang magkakapatid at magpipinsan; at lampas pa sa abot-tanaw ang maaaring liparin ng aming mga saranggola.


Doon iyon sa bayan ng Roxas, sa lupain ng aming lolo at lola, sina Amang at Nanang. Nasa lupaing ito ang aming bukid at tumana, kung saan kami natutong mag-araro at magtanim ng palay at mais. Dito rin kami natutong manirador ng mga ibong pugo at tikling, na matiyaga naming iniihaw sa mga nasusunog na dayami at ipa. Kapag nagtatanim naman ang Amang ng tabako at mais, inaabangan na namin ang pagsulpot ng mga gagamba: dilaw ang katawan at mahahaba ang paa ng mga nasa dahon ng mais; batik-batik naman ang likod at matatalim ang sungot ng mga nasa bulaklak ng tabako.


Madalas din kaming pumunta sa ibang lugar para maglaro at mag-piknik. Sakay ng de-motor na karitong tinatawag naming kuliglig, nararating namin ang mga burol ng Cordillera sa kanluran at mahahabang tulay ng Ilog Cagayan sa silangan. Paborito naming puntahan kapag bakasyon ang Ilog Magat sa bayan ng Aurora. Sa ilog na ito ako natutong lumangoy, kung saan kristal ang tubig at sagana ang isda. Malimit kaming mag-ihaw ng tilapya o dalag sa tabing-ilog. Dito ko rin natikman ang paboritong pagkain ng aking ama, ang jumping salad o kinilaw na hipon na naglulundagan habang sinasabuyan ng asin, sibuyas at suka.


Maraming pagpipilian sa mga baon naming putahe—mula sa adobong pinatuyo at pinasirit sa mantika o sa imbaligtad na kinilaw na karne ng baka, hanggang sa matapang na lasa ng papaitang kalabaw o di-malilimutang amoy ng tapang usa. Nariyan din ang mga lutuing gulay ng aking ina—pakbet na niluto sa pag-alog lamang ng palayok at dinengdeng na niluto sa kahoy at banga.


Walang papantay sa ligayang hatid ng Isabela sa paglaki ng isang bata. Sa lawak nito nananahan ang iba’t ibang hiwaga ng pagtuklas. Dumaan na ang maraming taon, ngunit nananatiling isang malaking palaruan sa akin ang aming probinsya. Umaakyat pa rin ako ng puno para pumitas ng prutas; nagpapalipad pa rin ng saranggola at nakikipaghabulan sa ulap. Ang Isabela ang malawak na sisidlan ng libo-libo ko pang pangarap.


Marso 2008


Dubito Ergo Cogito, Cogito Ergo I Blog!

And the mighty have fallen, you might tease me. Yet immediately as I am writing the very first words for what I would eventually call “my first blog entry”, I am already resisting the idea of addressing why it took me so long, why I finally decided to do it, etcetera. In short, I have decided not to address such things. I am officially on blogosphere, and that’s the most important thing. Gusto ko nang magsulat ng kahit ano ulit. Tama na muna ang development project reports, at ayoko na ng puro tula.


To get all this started, I am addressing two questions that I have to ask myself it I am to take this thing seriously:


What will I be blogging about?

Naturally, I will write about things that interest me and have something to do with me. Until now I am undecided whether to focus on a specific theme or not. My idea of a good blog is one that specializes in only one theme. A film blog. A food blog. A music blog. I have always hated blogs that laboriously chronicle one’s daily activities, tasks and nonsense musings thinking that someone actually cares. But then, who is to say what will and will not be read? Do those people even care if someone actually reads them?


For that, I have decided that I will be writing about three (3) things: travel, food and the arts. Travel, because of my line of work in social development. Food, because I have eaten more than enough to qualify as a food lover, naturalmente. The arts, simply because I am a fan of the arts and not because of anything else. Okay, okay, “the arts” here is actually 3 things: music, film and literature. And since we’re at it, literature here actually means two things: poetry and fiction. All for a grand total of six (6) themes! Wait, did I say sports? Kahit tennis lang, hehe.


Who are my intended readers?

I never kept a journal, ever. I just could not. No patience, no discipline. So I want this blog to be my personal repository for random pieces about things that interest me. I have ranted away so much of my fantastic non-literary and un-literary thoughts over coffee and smoking sessions with friends it’s about time I put them in writing. This does not mean of course that I will not upload any of my creative work here, so be warned.


Pero sinong niloko ko by claiming that this is just a personal repository? I am putting this up on a very public site so that you, my dearest friends, can poke your nose in on my latest escapades, writing and otherwise. I do not intend for my words to reach the farthest ends of the www, but I sure hope they at least reach your hearts. Bwahahaha!


But seriously, if I do get readers outside my circle of friends and people I know, I would be most happy to welcome them to my world. Blogger-friends have told me about the wonderful discovery of some random reader from the most unexpected place on earth, and how it feels to know that you have touched someone somewhere. I know I have experienced a lot of that in real life in very different contexts, but I will certainly look forward to that kind of experience.


So, on to serious writing. I plan to post entries regularly, sana mapanindigan ko ito. For starters, I am posting two essays written earlier this year: one for a regional almanac being produced by Adarna, and another for my high school paper’s anniversary. Cheers!