Nabubuo itong arkipelago
sa ating libog at pagpupunyagi.
23 September 2008
Isang Pagtanaw sa Isabela
* Sinulat ko ito para sa binubuong Philippine regional almanac ng Adarna House na ipamimigay sa iba't ibang high school. Gagamitin ang sanaysay bilang kaakibat ng section tungkol sa aking rehiyon, ang Lambak ng Cagayan. Inilalarawan ng sanaysay ang growing-up experience sa isang bayan/lalawigan sa rehiyon; siempre pa, proud "isabelino" ako (to borrow Grace Padaca's term). 400 words lang ang limit, kaya medyo bitin.
Isang Pagtanaw sa Isabela
Napakalawak na lupain, iyan ang unang maiisip ng kahit sinong makarating ng Isabela. Ito ang pangalawa sa pinakamalawak na probinsya sa buong bansa, at ito rin ang malawak na mundo ng aking pagkabata. Wala akong kamuwang-muwang noon kung gaano kalaki ang mundong aking kinalakhan. Ang alam ko lang, hanggang abot-tanaw ang maaari naming paglaruang magkakapatid at magpipinsan; at lampas pa sa abot-tanaw ang maaaring liparin ng aming mga saranggola.
Doon iyon sa bayan ng Roxas, sa lupain ng aming lolo at lola, sina Amang at Nanang. Nasa lupaing ito ang aming bukid at tumana, kung saan kami natutong mag-araro at magtanim ng palay at mais. Dito rin kami natutong manirador ng mga ibong pugo at tikling, na matiyaga naming iniihaw sa mga nasusunog na dayami at ipa. Kapag nagtatanim naman ang Amang ng tabako at mais, inaabangan na namin ang pagsulpot ng mga gagamba: dilaw ang katawan at mahahaba ang paa ng mga nasa dahon ng mais; batik-batik naman ang likod at matatalim ang sungot ng mga nasa bulaklak ng tabako.
Madalas din kaming pumunta sa ibang lugar para maglaro at mag-piknik. Sakay ng de-motor na karitong tinatawag naming kuliglig, nararating namin ang mga burol ng Cordillera sa kanluran at mahahabang tulay ng Ilog Cagayan sa silangan.Paborito naming puntahan kapag bakasyon ang Ilog Magat sa bayan ng Aurora. Sa ilog na ito ako natutong lumangoy, kung saan kristal ang tubig at sagana ang isda. Malimit kaming mag-ihaw ng tilapya o dalag sa tabing-ilog. Dito ko rin natikman ang paboritong pagkain ng aking ama, ang jumping salad o kinilaw na hipon na naglulundagan habang sinasabuyan ng asin, sibuyas at suka.
Maraming pagpipilian sa mga baon naming putahe—mula sa adobongpinatuyo at pinasirit sa mantika o sa imbaligtad na kinilaw na karne ng baka, hanggang sa matapang na lasa ng papaitang kalabaw o di-malilimutang amoy ng tapang usa. Nariyan din ang mga lutuing gulay ng aking ina—pakbet na niluto sa pag-alog lamang ng palayok at dinengdeng na niluto sa kahoy at banga.
Walang papantay sa ligayang hatid ng Isabela sa paglaki ng isang bata. Sa lawak nito nananahan ang iba’t ibang hiwaga ng pagtuklas. Dumaan na ang maraming taon, ngunit nananatiling isang malaking palaruan sa akin ang aming probinsya. Umaakyat pa rin ako ng puno para pumitas ng prutas; nagpapalipad pa rin ng saranggola at nakikipaghabulan sa ulap. Ang Isabela ang malawak na sisidlan ng libo-libo ko pang pangarap.
alwynn! mabuti nama't nagbablog ka na. pero sana sa susunod e totoong blog entry hindi repost lang ng nasulat mo na he he. :-) (pero ok din ito, mabuti't nababasa rin namin. at hoy, ang pangako mong submission para sa coming soon antho namin!)
hoy egay, hindi ko yata alam ang ibig sabihin ng "totoong" blog entry hehe. o ayan ha, may dinagdag na ako; papasa bang totoong entry ang lumang tula? haha. speaking of which, sige magsasubmit na ako pagdaan ko ng department mamaya o bukas. salamat pala sa plug sa blog mo.
How I actually got my name: the night before the morning I was born, my dad and uncles went on a winning streak in a major sabong derby. Win-all ang lahat ng manok!
2 comments:
alwynn! mabuti nama't nagbablog ka na. pero sana sa susunod e totoong blog entry hindi repost lang ng nasulat mo na he he. :-) (pero ok din ito, mabuti't nababasa rin namin. at hoy, ang pangako mong submission para sa coming soon antho namin!)
hoy egay, hindi ko yata alam ang ibig sabihin ng "totoong" blog entry hehe. o ayan ha, may dinagdag na ako; papasa bang totoong entry ang lumang tula? haha. speaking of which, sige magsasubmit na ako pagdaan ko ng department mamaya o bukas. salamat pala sa plug sa blog mo.
Post a Comment