19 October 2008

List No.2: The Ultimate Videoke Whore

Kabisado ng lahat ng mga kaibigan, naging kaopisina, at naka-gimikan ko ang hilig ko sa videoke. Kung may botohan siguro ng Pinaka-Adik o Pinaka-Talamak sa Videoke sa buong bansa, automatic na ang nomination ko. Nasubukan ko nang mag-videoke sa lahat ng klase ng videokehan—sa mga sosyal na KTV Bar sa Makati, sa isang eskinita ng Payatas, sa isang madilim na kalye ng Zamboanga, sa palengke ng Tacloban, sa mga club at beerhouse sa Davao, sa slaughter house ng Baguio, sa Mount Data Hotel sa gitna ng Cordillera, sa isang liblib na resort sa loob ng liblib na subdivision sa Koronadal, at kung saan-saan pa. Nakakanta na ako sa iba't ibang uri ng set-up—may exclusive function rooms, may communal area kung saan umiikot ang mic at tigatlong kanta lang per table, may stage set-up kung saan pinapanood ka ng lahat (try nyo ito sa Bayombong o sa Santiago); may hinuhulugan ng limampiso, may nirerentahan for 12 hours, meron ding 24 hours; may sine-set-up lang na component sa bahay; merong videokehan na per room ang bayad, may per head, may per hour, may unlimited; meron ding Magic Sing, o pwede ring sa low-tech na videoke channel sa cable basta may mikropono. Nabiyayaan na ng boses ko ang kung-ilang tengang minsan ay napapabilib, minsan naman ay nakukulili depende sa kundisyon ko sa araw na iyon. Ang kaso, walang kundi-kundisyon sa akin ang videoke; basta kung saan meron at kung saan ako bagsakan ng mikropono, hala, kanta.


Pinakapaborito kong set-up sa lahat ay yung competitive—yun bang may ibang table na humahataw din sa labanan at pataasan kayo ng score o palakasan ng palakpak. Yun nga lang, takaw-gulo ang ganoon; makailang-beses na rin akong muntik nang mapa-trouble (lalo pag puro mga kapwa Ilocanong ayaw patalo ang nasa kabilang table) dahil lang sa pakikipag-kantyawan o agawan sa kanta. Pero kadalasan, in the spirit of fun naman ang mga videoke session ko kasama ang mga kaibigan. Ang mahalaga, may pinagsasaluhan kaming kanta kasabay ng kung-ilang bote ng beer at kaha ng sigarilyo, kaunting pulutan, kaunting senti-sentihan, solb na.


Mababaw na kaligayahan kung tutuusin, pero isang seryosong ekspresyon ang videoke ng pagkatao nating mga Pilipino. Kumbaga, ang videoke marahil ang makabagong bersyon natin ng mahabang tradisyon ng pag-awit, kesehodang may boses o wala. Pero wala akong balak maghain ng kung-ano pang analysis tungkol dito, hindi iyon ang pakay ko. Gusto ko lang ibahagi sa inyo ang listahan ko ng mga “Best of” ko sa videoke. Pwede ninyong sang-ayunan o kontrahin, pwedeng maka-relate o hindi, pwede rin ninyong subukan sa susunod na mag-videoke kayo. Pasensya na ang mga babae ha, kasi medyo kanta ng lalaki talaga halos ito, kasi nga hindi ko naman kaya ang pitch ng babae, hehe. Ang marami dito, talagang mga paborito kong kanta, ang iba naman guilty pleasures; may iba rin na kahit ayaw ko eh talagang masarap lang kantahin sa videoke. Anyway, heto na ang personal na listahan ko ng mga kantang subok ko na sa matagal-tagal ko na ring “successful career” bilang videoke whore. Enjoy!


Top 5 Old Reliables (pag walang maisip agad at gustong mauna sa mic; siguradong patok)

1. You (Basil Valdez)

2. Inspector Mills (America)

3. Lady (Kenny Rogers)

4. Gold (Spandau Ballet)

5. Honesty (Billy Joel)


Top 5 Ultimate (Patayan at Ubusan ng Boses ang labanan)

1. Bohemian Rhapsody (Queen)

2. Smells Like Teen Spirit (Nirvana)

3. How Am I Supposed to Live Without You (Michael Bolton)

4. I Don’t Wanna Miss A Thing (Aerosmith)

5. Natutulog Pa ang Diyos (Gary Valenciano)


Top 10 Love Songs, Happy Category (sampu talaga, sa dami ba naman)

1. Reachin’ Out (Gary Valenciano)

2. So It’s You (Raymond Lauchengco)

3. Knocks Me Off My Feet (Stevie Wonder)

4. When I Met You (Apo Hiking Society)

5. You Make Me Feel Brand New (The Stylistics)

6. I Love the Way You Love Me (Boyzone)

7. Love is Love (Culture Club)

8. Maghihintay sa Iyo (Dingdong Avanzado)

9. Nag-iisang Ikaw (Louie Heredia)

10. Closer You and I (Gino Padilla)


Top 10 Love Songs, Heartbreak Category (sampu pa rin; pinakamahirap pamilian sa lahat)

1. Here I Am (Air Supply)

2. Why Can’t It Be (Rannie Raymundo)

3. Stitches and Burns (Fra Lippo Lippi)

4. Calling Your Name Again (Richard Carpenter)

5. Saan Darating ang Umaga (Raymond Lauchengco)

6. Maybe (Neocolours)

7. Hard Habit to Break (Chicago)

8. Set You Free (Side A)

9. Half-Crazy (Johnny Gill)

10. The Best I Ever Had (Vertical Horizon)


Top 5 na Madaling Kantahin (yung pagod ka na o pa-chill out lang kayo)

1. Just the Way You Are (Billy Joel)

2. Sister Golden Hair (America)

3. Simply Jessie (Rex Smith)

4. Traces (Classics IV/Bobby Vinton)

5. Huwag na Lang Kaya (True Faith)


Top 5 pag mga Manginginom ang Kaharap (mga National Anthem, a la My Way)

1. My Love Will See You Through (Marco Sison)

2. One in A Million You (Larry Graham)

3. Doon Lang (Nonoy Zuñiga)

4. Skyline Pigeon (Elton John)

5. Mandy (Barry Manilow)


Top 5 Pang-Contest, OPM Category (yung may naghahamon na ibang table)

1. Gaya ng Dati (Gary Valenciano)

2. Ngayon (Basil Valdez)

3. I Will Always Stay This Way In Love With You (Boy Katindig)

4. Say That You Love Me (Martin Nievera/Basil Valdez)

5. Magsimula Ka (Leo Valdez)


Top 5 Pang-Contest, Foreign Category

1. On the Wings of Love (Jeffrey Osborne)

2. Careless Whisper (George Michael)

3. Suddenly (Billy Ocean)

4. Just Once (James Ingram)

5. Wildflower (Color Me Badd)


Top 5 na Masarap Palang Kantahin (pero hindi laging naiisip, o hindi available)

1. Summer Breeze (Isley Brothers)

2. Just Another Day (Jon Secada)

3. I Go Crazy (Paul Davis/Barry Manilow)

4. I Will Always Love You (Kenny Rogers, NOT Dolly Parton/Whitney Houston)

5. Another Day in Paradise (Phil Collins)


Top 5 Kantang Pambabae na Pwedeng Kantahin ng Lalaki

1. Alone (Heart)

2. Through the Fire (Chaka Khan)

3. Love Will Lead You Back (Taylor Dayne)

4. What’s Up (4 Non-Blondes)

5. It Must Have Been Love (Roxette)


Top 5 Duets (Male and Female)

1. After All (Peter Cetera and Cher)

2. Separate Lives (Phil Collins and Marilyn Martin)

3. Don’t Fall In Love with a Dreamer (Kenny Rogers and Kim Carnes)

4. Guilty (Barry Gibb and Barbra Streisand)

5. Up Where We Belong (Joe Cocker and Jennifer Warnes)


Top 5 na pang-Last Song (yung sinisita na kayo ng staff kasi bayad na kayo pero kumakanta ka pa rin)

1. Farewell (Raymond Lauchengco)

2. Through the Years (Kenny Rogers)

3. Happy (Square Heads)

4. Say You Love Me (Simply Red)

5. Closing Time (Semisonic)


Bilang highlight ng Videoke entry ko, gusto kong ibahagi sa inyo ang listahan ko ng mga kaibigang pinakatalamak sa videoke. Mamimili ako mula sa lima kong barkada: 1) ang mga kababata kong bugoy sa Isabela, 10 members; 2) ang high school barkada kong LBCM (mga kasama ko sa pic sa taas, Precious at Rouselle), 8 members; 3) ang UP Rep at FRep barkada ko, 11 members; 4) ang Ateneo-Heights barkada ko, 11 members; at 5) ang LAMP barkada ko (dating project ko sa DENR), 10 members. At dahil videoke ang pinag-uusapan, kailangan ding isama ang mga naging kaopisina ko at kaibigan sa KALAHI (project ko sa DSWD) dahil ibang klase rin ang videoke culture doon; around 6 members. Hindi ko na isasama ang mga kapamilya at kamag-anak kong mahilig lahat kumanta. Basta ang common trait halos nilang lahat, mahilig mag-videoke. Kaya heto na, ang listahan ng Mga Kaibigan kong Pinakatalamak sa Videoke, mga makikipagpatayan sa microphone at makikipag-pamorningan sa pagkanta makarating man kayo sa langit o sa impyerno o sa kangkungan, maghalo man ang balat sa tinalupan:


Top 5 Patay-Gutom-sa-Videoke Friends


5. Mula sa Heights barkada ko, si Efren Prieto. Pasok si Efren dahil siya lang ang straight guy na kilala kong kayang-kayang patusin ang mga kanta nina Mariah Carey at Whitney Houston (Question: Pasok ba sa kategoryang ito si Jed Madela? Hmm.)! Sa taas at ganda ng boses niya, pwedeng-pwede kaming mag-duet na kanya ang female parts. Pinakanaaalala ko yung minsang nag-videoke ang Heightsers sa Annapolis at nag-duet kami ng Guilty nina Barry Gibb at Barbra Streisand, hayun, kuhang-kuha niya ang range ni Barbra. Epoy, videoke tayo ulit soon! Honorable Mention from Heights: ang tone-deaf pero pasaway sa pagkanta na si Ernan Muñoz.


4. Ang kaibigan ko sa LAMP at kumpare kong si Eric Lazarte. Sa totoo lang, pinakamahirap mamili ng runaway winner mula sa LAMP sector ko. Pukpukan talaga ang labanan ng mga balasubas sa videokeng sina Danilo Antonio, Gemma Monje at Rhea Dealca sa kategoryang ito! Napagod ako sa tindi ng labanan, lalo pa’t naaalala ko ang maraming competition namin sa mga LAMP parties na pataasan ng score at may cash prize pa! Napakarami kong unforgettable videoke moments sa LAMP; habangbuhay nang nakatatak sa alaala ko ang mga videoke session namin sa isang resort sa Antipolo, sa outing sa Currimao, at ang classic na pagwawala namin sa Tagaytay (si Brian, haha). Kung may group category, talo ng LAMP ang lahat ng barkada ko. Anyway, panalo si Eric sa individual category dahil sa ginawa naming pagkakalat sa Davao minsan, nung nagkantahan at nag-inuman kaming dalawa lang, pamorningan kesehodang pumapalya ang videoke set at walang kwenta ang selection. Panalo ang kapwa kong desperadong makakanta! Honorable Mention from LAMP: Gemma Monje, dahil sa kanyang madibdibang delivery ng bawat kanta, lalo na sa paborito niyang Paalam Na.


3. Mula sa UP/Charots of Fire barkada ko, si Jason “Awra” Angulo. Nakasama ko ang UP barkada kong mag-videoke ulit nitong Friday night lang, diyan sa kapitbahay kong Havana Visayas na masikip at panget ang selection. As usual, namayagpag si Awra sa kanyang diva at ditzy songs, na talaga namang laging bumubuhay sa aming sessions. Sayang nga lang at hindi namin nahanap ang request ko sa kanyang Disturbia ni Rihanna, kung hindi ay nasira na naman ang ulo naming lahat. Walang binatbat ang mga manong songs ko o ang mga Dina Bonnevie-wannabe ni Mynes dito kay Yaya Awra, lalo na pag bumanat na ng kanyang classic na Better Days na kumbinasyon ng head tone at falsettong hindi mo alam kung saan hinuhugot. Honorable Mention: Tuting Hernandez, sa kanyang impersonation sa boses ni Sharon Cuneta.


2. Ang kasamahan ko dati sa KALAHI-CIDSS na walang iba kundi si Tony Roma (no relation to the steak place). Ito namang si Tony eh talaga namang professional wedding singer at lead singer sa national choir ng church nila. Siya lang ang kaibigan kong Bass hanggang Tenor 1 ang range, at talaga namang tumataginting ang brillo niya pag kumakanta. Kahit anong ganda ng kundisyon ko sa mga session namin ay talagang nangangamote ako lagi, kaya ang ginagawa ko, nililistahan ko siya ng mga kantang di ko maabot. Pinaka-memorable naming session ay nung nag-celebrate ako ng birthday habang may workshop kami para sa mga Mangyan, doon sa Galera. Hindi tumigil ang Antonio kesehodang gatas lang ang iniinom (habang ako ay lasing na lasing); sumurender na ang lahat, alas tres na ng umaga, tuloy pa rin siya sa mga Gary V. at Martin songs—hanggang mag-isa na siya at hanggang pinalayas na siya ng owner ng resort. No. 2 si Tony dahil bukod sa maganda ang boses niya, dupang talaga ang walanghiya. Honorable Mention: si Ronnie “Kulas” Tapnio, dahil tinapos niya ang Bohemian Rhapsody sa Davao!


1. Ang kababata, kabarkada, kumpare at uncle kong si Jongjong Duarte. Eto namang si Jong, kapareho ko lang halos ng kalibre ng boses, kaso magkaibang-magkaiba kami ng hagod at technique. Kung ako pang-Bagong Kampeon, siya pang Tawag ng Tanghalan. Para kang nakikinig sa Tatay mo, haha. Bakit siya ang No. 1? Dahil wala akong kilalang hihigit pa sa kasalaulaan nito sa videoke: pagsimula ng session, hayun at nagpapasok na agad ng sampung kanta nang hindi tumitingin sa numero! Kabisado ng putsa ang mga numero ng napakaraming kanta! Pag nakapili na kami sa wakas, wala na, marathon na siya hanggang mawalan na kami ng pasensya sa kahihintay! Ang masaklap pa doon, sa bawat isang kanta mo, nakakatatlo siya. Bukod sa kaswapangan niya, mataas din ang entertainment value lalo na pag humataw na ng mga Ilocano songs, o kaya pag may mga Wow Mali na naman siya sa pronunciation ng English words. Higit sa lahat, No. 1 si Jong dahil walang patawad sa inom at pulutan, at siya rin ang paborito naming biktima pagdating sa kantyawan. Honorable Mention: si Raymond Frias, dahil talaga namang bumili pa ng buong sound system para makapag-practice ng kanta araw-araw, kahit mag-isa!



Marami na ang nawala sa akin, subalit hindi ako kailanman iniwan ng mga tunay kong kaibigan at mga paboritong awitin. Maayos pa ang mundo, mahaba pa ang listahan ng mga kanta. Marami pa ang maitutunggang bote at malalantakang pulutan. Marami pa tayong unos na tatawirin, marami pang lugar na dadayuhin. Ngunit sigurado akong maghaharap tayong muli, magpapasiklaban sa harap ng videoke. Balang araw. Isang gabi.


10 October 2008

List No.1: Apat na Makata, Apat na Tula

Mahilig ako sa mga listahan ng Top 10 ganito, Top 5 ganyan. Malimit akong magbato ng rank at forced choice questions sa mga kaibigan, mula sa mga bagay na seryoso at pa-profound hanggang sa kagaguhan at kabastusan. Sa barkada ko ng Heightsers, may kapareho ako ng ganitong ugali, si Ernan Muñoz. Pag nasa mood kami ni Ernan, di natatapos ang mga rank questions (lalo na yung mga tense sagutin) hanggang makahuthot kami ng mapagtatawanan. Kadalasang si Ivy Rosales ang biktima, at sinasabi ko talaga ito ngayong araw pa mismo ng birthday niya, hehe. Makikita nyo sa mga susunod pang entry kung anu-anong mga listahan ang tinutukoy ko.


Bilang pauna, magsisimula ako sa seryosong usapin ng panitikan. Umuulan kasi ngayon kaya as usual, sentimyento de patatas na naman ako habang walang magawa sa bahay. Binisita ko ang book shelf na puno ng librong ilang taon nang nakapila sa atensyon, oras at pasensya ko. Ang iba, nakabalot pa sa plastik; ang iba naman, nagsisimula nang kainin ng mga elemento, palibhasa’y hindi naman acid-free ang karamihan ng librong inilabas noong nakaraang siglo. Nang magawi ako sa hanay ng poetry books, hayun na, tinanong ko ang sarili kung ano nga ba ang mga paborito kong tula ng mga paborito kong makata. Mahirap na tanong iyon, sapagkat tulad ng mga album sa musika, nagiging paborito mo ang isang makata batay sa body of work nito at hindi dahil sa isang obra lang.


Matagal naman nang malinaw sa akin kung sino ang mga paborito kong makatang nagsusulat sa Filipino (hindi kabilang ang mga kapanahunan pa nina Huseng Batute, Collantes at Abadilla. Sa mga lalaki, nangununa sa listahan ko sina: 1) Mike Bigornia; 2) Rolando Tinio; 3) Lamberto Antonio; at 4) Pete Lacaba (pahirapan, pero in order ito ha). Kung hahabaan ko ang listahan hanggang sampu, mapapasama sa hanay sina: 5) Rio Alma; 6) Teo Antonio; 7) Tomas Agulto; 8) Rogelio Mangahas; 9) Teo Baylen; at 10) Nick Pichay (in order pa rin)! Marami pa akong gusto (pasintabi po), pero ito talaga ang Top 10 ko. Iba pang usapan siempre yung listahan ko ng mga paborito namang babaeng makata, at yung mga paborito ko overall.


Hindi ko na kakayaning isa-isahin pa ngayon ang mga libro ng sampung makata kung kaya’t sa naunang apat lang ang ilalabas kong listahan. Kunsabagay, itong apat talaga (babae man o lalaki) ang maituturing kong may pinakamalalim na impluwensya sa nabuo ko nang pansariling poetics, maski sa depinisyon ko ng estetika sa pagtula. Marami-rami na rin akong ehersisyo, lalo na noong nagsisimula pa akong magsulat, para tularan ang modelo ng mga dakilang makatang ito. Pero kung ano man ang mga tulang iyon ay mananatiling postscript lamang sa kadakilaan nila. Kung may inaasahan man ako balang araw, ay ang mabigyang-hustisya ko sa pamamagitan ng maliliit kong akda ang matawag silang mga paborito kong makata. Iyon lang.


Ibinabahagi ko ang listahang ito bilang No. 1 fan at hindi dahil sa anupaman. Sana may magustuhan kayo, lalo na ang mga kaibigan kong hindi naman talaga mahilig sa mga tula-tulang “mahirap maintindihan”. Sa mga hindi mahilig, binabalaan ko kayong “mahirap maintindihan” ang ilan dito. Hindi naman talaga mahirap maintindihan kung tutuusin, sanayan lang. Kailangan din siempre ng panahon at kaunting gamit ng utak. Aba, naman, kung may tiyak na katangian ang mga paborito kong manunulat bukod sa pulidong craft, iyon ay matalino silang lahat! Pero sana “tiyagain” nyo ang mga ito para makita ang mga maaaring marating ng wikang Filipino. Kung sino man iyong opisyal ng gobyernong nagsabi nito lang na hindi pandaigdig ang wikang Filipino dahil kulang sa sopistikasyon, putang ina niya.


(Dagdag na pasintabi po pala sa tahasan kong paggamint ng teksto ng mga tula sa blog na ito. Iniisip ko nga ngayon na dapat kumuha muna ako ng pahintulot sa mga makata (dalawa ay patay na) o sa mga nagmamay-ari ng karapatan. Gaya ng nakagawian, ilalagay ko ang mga pinaghugutang libro at mga publikasyong naglabas nito. Iniisip ko rin, inilalabas ko naman ang mga ito sa konteksto ng personal na listahan sa isang personal blog entry, at hindi bilang online publication. Gayunpaman, susubukan ko pa ring magpaalam. O kung may payo kayong maibibigay, lalo na mula sa mga kapwa-makatang nagba-blog din, pakisabihan o pakisita na lang po ako.)


Mahaba pa ang entry kong ito, kaya heto na Ang Paborito kong Tula ng Bawat Paborito kong Lalaking Makata:


1) Mike L. Bigornia


PINTO


Kayraming binubuksang pinto

sa pagpasok sa sarili.

Mulang mga baitang ng balat

hanggang mga palapag ng laman,

mulang palikaw-likaw na hagdan ng diwa

hanggang mga silid ng katauhan,

may mga pintong binubuksan,

mga pintong may kanya-kanya ri’t sariling pinto,

mga pintong bagaman walang trangka,

walang kandado,

walang susi,

ay nag-iingat ng pribadong kasarinlan,

at ang sarili bilang misteryosong tahanan

o kastilyong ligid ng ilog

at balumbon ng tinik-aroma,

ang nagbubunsod pang mausisa,

tuklasin ang kaloobang may sukob na lawrel,

may tangang setro,

may langhap ng asido at kamanyang.


Hindi mahalaga kung saan

at kung aling pinto

ang una

at dapat buksan,

walang batas o patakaran,

walang sukat at tugma,

maaaring unahin

yaong nasa bentanilya ng balintataw,

gayunma’y

wala ring sinusundang tiyak na anggulo,

isang karaniwang estratehiya

o pambihirang estilo

ng pagbubukas,

maaaring

isang tuwirang pagpihit sa buton

sa balbula ng puso,

o pahiwatig na paghawi sa kulapol ng budhi.


Pagkat ang mga pinto,

kung pinto mang masasabi,

ay may samutsaring anyo—

nilabrang mulawin,

nililok na kristal,

hinulmang plastik,

hinurnong asero,

o hinabing sutla—

at upang mapasok,

upang maunawa ang salimuot,

kailangan ang mapaghamon,

pangahas na hakbang.


Anu’t anuman,

ang unang pintong mabubuksan

ay lagi’t tiyak na pintong nag-aanyaya,

at agad madarama

ang katapatan ng init

at ngiti ng pagsalubong,

hindi magbabantulot

ang nabuong interes at hindik

upang pasukin ang pinto.

Pakiwari’y

isang turista o balikbayan

na inaalok ng limonada

o mainit na sabaw

sa bawat kanto o abenida.


Ang unang tikim ng katapatan

ang magbubukas ng pag-asang matapat

ang iba pang pintong bubungaran,

hanggang sa isang pagkakataon,

sumapit sa isang partikular na pinto

na mukhang mga bisig na handang yumakap,

handang magsabit ng bulaklak,

at sa kabila ng pintong ito’y

tila naghihintay ang mga halik,

ang bahaghari ng mga hiyas at salapi,

ang piging ng hamon, alak at prutas.

Mangyari pa’y sabik itong bubuksan

at naroon ang di-kariktang

mapaghinala,

mapaglilim,

mapanlinlang,

isang pumpon ng mga talulot

na sandaling masaling

ay nagmamakahiyang tumitiklop

at ayaw palimi ang itinatago.


May pintong tila ulo

ng dambuhala at magong toro,

may putong na tunika at kulay-lila,

na ang bawat singasing

ay nagbabawal ng salita,

nilalabusaw ang hangin ng poot,

gayong sa isang banda’y

kapritsong ipalutas sa bawat panauhin

ang mga bugtong na pakana.


Sa pinakabulwagan,

may pintong bumabasag ng dilim

ang katahimikan,

katahimikang-batingaw

na nag-uudyok na lumuhod

sa mga di-maipaliwanag na bagay,

mga aral at retablo ng kapangyarihang

may hurisdiksyon ng katahimikan,

at unti-unti,

ang panauhin ay nagiging biktima

at bilanggo sa heyopulitika

ng nakabibinging mga wika.


Ang mga pinto,

sang-angaw man o sanyuta,

samakatwid,

ay nakaaaliw sa simula,

nagdiriwang na panaginip

na humahatak sa mapagsapalarang suwi

ng pagkilala sa sarili,

ngunit habang lumalalim ang gabi,

ang mga pinto

ay nagiging kakila-kilabot,

nakapanlalambot ng tuhod,

at hihilinging

ang pagbubukas at pagpasok rito’y

isang paggising mulang bangungot.


Kung saka-sakali,

laging ganito ang nangyayari,

kung kailan gustong tumigil,

kung kailan gustong umurong,

kung kailan gustong magbalik sa minulan

at limutin ang anumang karanasan

na kaugnay ng mga pinto,

saka naman mamamalayang

nasa kalagitnaan

ng pagbubukas

o nasa bukana ng pagtatapos,

at mapipilitang magpasiya

na ituloy na ang pagtuklas

hanggang sa pinakahuling pinto,

upang magimbal

na ang bubuksang huling pinto

ay yaong binuksang unang pinto.


(mula sa Puntablangko; inilathala ng Tagak Series, 1985)



2) Rolando S. Tinio

MULA SA LENINGRAD

Pauyad-uyad ang tren

At ang mga pino sa labas ng bintana,

Parang matamlay na diyoramang

Inilaladlad ng baka magtampong tagahatak,

Walang kamala-malasakit may naghihintay man

Sa akin sa Moskba, kaninang-kanina pa.


Sayang at kay ganda ng araw,

Pusyaw na nangingintab sa abo-lilang langit

At mga puti-dilaw na bulaklak

Sa kilu-kilometrong damuhan.


Sa mesita kanina, biglang nagputok

Ang kay nipis na baso ng kapeng

Kuyum-kuyom ng malabor na mukhang-pilak.

Tayngang-taynga ang hugis ng hawakang

Walang naririnig kundi yugyog ng gulong

At tagtag sa riles na hindi nagdaramdam.


Walang sumasaling, sa loob ng kuwartitong

Nagsisikip na marahil sa akin

At sa mga hinagpis kong pilit pinipigil.

At nang bumukas ang pinto,

Nang pumasok ang taong ga-damulag

Upang kumustahin ako,

Nasiksik ang hangin

At hindi nabata ng manipis na kristal

Ang kanyang walang-pakundangang diin.


Pamaya-maya’y papasok muli,

Hatid ang balitang alas otso’y medya pa

Ang dating ng tren sa istasyon ng Moskba.

“Bakit ba parang inip na inip ka?”


Kung hindi maghintay ang naghihintay sa akin,

Magsasalisi ang mga buhay namin

Tulad ng mga planetang nag-aabangan

Sa kani-kanyang landasin:

Bawal mag-engkuwentro

At baka malansag, kristal na uniberso.


(mula sa Kristal na Uniberso; inilathala ng Office of Research and Publications ng Ateneo de Manila, 1989)



3) Lamberto E. Antonio


NAPAGAWI AKO SA MABABANG PAARALAN


Napagawi ako sa mababang paaralan

Na dating karnabal ng kambing, baboy at kalabaw,

At dating kubeta ng ilang kababaryo

Pag bakasyon grande o Sabado’t Linggo.

Di na ito ang ilang tiwangwag na kuwartong may tapal

Na sawali’t atip na kugong butas-butas, na ang klaseng

Nagdidiskas ng Pepe en Pilar at gudmaners

Ay tanaw na tanaw ng mga sabungerong naglalakad.

Ngayon, may arko nang bakal at alambre ang geyt;

May bakod na pader, magarang plagpol, entablado’t

Basketbolkort na kinauukitan ng nagdudumilat na

“Donated by Gov. Mokong delos Oros” at ng

“Alay nina Don at Doña Pilipito Palpatok.”

Sa sementadong saydwok, sa pasimano’t haligi ng munting pasilyo

At ibabang panig ng kongkretong dingding, kundi nakapila

Ay nagsisiksikan ang mga pangalang karamiha’y

Patrong taga-ibang bayan: ilan dito’y mga nakaklaseng

Kabisote, mapangopya, tugain, nakalasprend o naiihi

Sa salawal sa pagkuha ng test—

Kundi may DR. o ENGR., may ATTY.

Bawat pinto, may karatula ng ngalan ng guro—

Narito pa rin si Mrs. Monay na mahilig manghinuli,

Si Mr. Pangan na laging ngumangata ng babolgam.

Sa likod ng gusali, ang marikotitos na letering

Ng pagdiskarte sa babae’y nabasa ko sa haligi ng wari’y

Narseri; sa mga puno ng papayang bunga ay tambulukan;

Sa tambak ng retasong mga tablang may bakas ng anay.

Komo nabakante ako sa pandadayuhan bilang karpintero,

Naawitan akong gumawi sa mababang paaralang

Nagpautang sa akin noon ng musmos na karanasan;

Kasama ang aking martilyo, lagari’t radela’y nagpaunlak ako:

Wika nga’y ito lang ang kaya kong paraan ng paglingon

Sa pinanggalingan (na di ko napuspos nang mahinto ako’t

Maulila sa mga magulang). Gumawi ako

Rito para atipan at palitadahan ang mga komportrum,

Dahil nakabingit na naman ang pasukan—at para maiyukit ko,

Kahit papa’no, ang aking pangalan.


(mula sa Hagkis ng Talahib; inilathala ng Aklat Peskador, 1980)



4) Jose F. Lacaba


KUNDIMAN SA PANAHON NG LIGALIG


1
Madalas kang lumuluha,

at laging dahil sa akin—

noon, pagka’t ako’y wala,

at ngayon, pagkat kapiling.


Sama ng loob at sakit

ng ulo, buntong-hininga,

paninikip ng dibdib

ang dulot ko sa tuwina.


Di kita mapangakuan

ng buhay na walang pait,

walang alon, dilim, ulan,

walang sikdo ng panganib.


Sa kaarawan mong ito

sa panahon ng ligalig,

ano ang maibibigay ko

kundi balisang pag-ibig?


Ibibigay ko na rin

ang pag-ibig kong balisa:

sa luha’y ating katasin

ang ilang patak ng ligaya.


2

Isang masamang panaginip

ang gumising sa akin, mahal.

Napanaginipan kong ikaw at ako’y

malaon nang patay.

Ang ating libingan

ay maaliwalas na kuwarto

sa ilalim ng lupa, walang

muwebles o anumang adorno,

wala kahit libro.

Sa di ko malamang dahilan,

buo pa ang ating katawan.


Nakahiga tayo sa sahig,

naghuhuntahan. Walang

ano-ano, may narinig tayong

mga ingay mula sa ibabaw.

Tilaok ng tandang, huni ng maya,

kaluskos ng walis-tingting sa lupa,

pukpok ng martilyo, sigaw

ng magbabalot o magtataho—

hindi natin matiyak kung ano.


Tumayo ako para alamin

pero pinigilan mo ako, at sabi mo:

“Tahimik na tayo dito. Bakit

maghahanap ka pa ng gulo?”


3

Alam ko, mahal, simple

ang iyong mga pangarap.

Hindi mo hinihinging

ibigay ko sa iyo

ang buwan at mga bituin,

o bahay at lote,

o kahit pabango, alahas,

tsokolate at bulaklak.


Kung ako’y makasalo

ninyong mag-ina

sa hapunan, makapiling

kung araw ng Linggo,

makalaro ng pekwa

o pingpong paminsan-minsan,

masaya ka na.

Pero kahit

ito’y hindi ko maibigay.


Pinipili ko pang tumulay

sa alambreng may tinik

kaysa humimlay

sa kandungan ng pamilya.

Kapwa tawad tayo. Akala ko’y

alam mo, sa mula’t mula pa,

na isang matandang hangal

ang iyong minamahal.


(mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature: Antolohiya ng mga Nagwaging Akda, Dekada 80; inilathala ng Carlos Palanca Foundation, 1990)