10 December 2008

Rayuma Blues

Maga ang hinlalaki ng paa

at may kumakayod sa arko ng talampakan.

Naisin mang kaladkarin ang katawan,

ipagakyat-baba, ipaglakad-lakad—

lalagutok ang buto o bibigat ang kalamnan,

at tila mapapatid ang namumutok na ugat.

Maaalala ang dalawang lata ng sardinas

na ibinuhos sa tirang kanin kagabi

at kinamay habang nanonood ng TV;

ang pinulutang papaitan kamakalawa

na sinundan pa ng tokwa at chicharon bituka.


Mabilis daw bumwelta ang karma—

isang kilong baka, isang toneladang parusa.

Minsang kumain ng pasayan bago matulog,

nagising na tila naninigas ang katawan

at may babaeng nakadagan sa tiyan.

Kung bangungot man iyon o maling akala,

hindi na nakapasok ng opisina kinabukasan

dahil ngatog ang tuhod at mahina ang balakang.


Biro ng kaibigang doktor, ganitong sakit

ang nagpatumba kina Marx at Neruda.

Sa kanila, iyon marahil ang naging kapalit

ng matinding imahinasyon at pag-iisip.

Sa tulad kong maliit, bunga lang ito ng pagpapaubaya

sa matinding dikta ng makamundong hilig—

aba’y matitiis maglakad nang pakandirit

kung ang kapalit, isaw na sumisirit!


Nobyembre 2006


No comments: